Iniugnay ni Defense Secretary Gilberto “Gibo” Teodoro Jr. ang ipinatupad na sanctions ng China laban sa kanya at sa kanyang pamilya sa isinasagawang kampanya ng pamahalaan laban sa umano’y illegal na aktibidad ng ilang Chinese entities sa Pilipinas.

Sa ilalim ng sanctions, ipinagbabawal ang pagpasok sa mainland China, Hong Kong, at Macau ni Teodoro, kanyang asawa, at anak. Ipinagbabawal din ang anumang transaksyon o pakikipag-ugnayan ng mga Chinese entity sa kanila.

Ayon sa China, ipinatupad ang hakbang upang “safeguard national sovereignty, security, and development interests,” ngunit hindi nito tinukoy ang partikular na pahayag na naging dahilan ng parusa.

Tinawag ng Department of Foreign Affairs (DFA) ang hakbang bilang “unfriendly act” na lalong nagpapalala sa ugnayang diplomatiko ng dalawang bansa.

Ayon kay Teodoro, ang sanctions ay kaugnay ng kanyang mga pahayag tungkol sa West Philippine Sea at umano’y illegal na aktibidad ng ilang Chinese groups sa bansa.

-- ADVERTISEMENT --

Giit ng kalihim, ipagpapatuloy niya ang pagtupad sa kanyang tungkulin at ang pagtugon ng pamahalaan sa mga isyu gaya ng umano’y scam hubs at mga iligal na operasyon na nakakaapekto sa seguridad at ekonomiya ng bansa.

Binigyang-diin din niya ang patuloy na pagpapalakas ng kakayahan ng Armed Forces of the Philippines at ang pagpapatibay ng ugnayan ng Pilipinas sa mga kaalyadong bansa sa ilalim ng international law, kabilang ang United Nations Convention on the Law of the Sea (UNCLOS).

Patuloy namang naninindigan si Teodoro na dapat tutulan ang anumang hakbang na aniya’y sumasalungat sa soberanya ng Pilipinas sa West Philippine Sea.