Nanawagan si Defense Secretary Gilberto Teodoro Jr. na itaas sa 2% hanggang 4% ng Gross Domestic Product (GDP) ang pondong inilaan para sa depensa ng bansa sa gitna ng patuloy na tensiyon sa West Philippine Sea (WPS).

Ayon kay Teodoro, kailangang irealign ng pamahalaan ang bahagi ng pambansang badyet upang mapalakas ang kakayahan ng militar. Aniya, ang pagpapatibay ng depensa ay nangangailangan ng aktuwal na paggastos at hindi lamang ng pangako, lalo na upang makabuo ng isang matatag at kapani-paniwalang kakayahang depensahan ang bansa.

Inihayag ni Teodoro ang panawagang ito kasabay ng paggunita sa ika-10 anibersaryo ng 2016 South China Sea Arbitral Award na pumabor sa Pilipinas at nagpawalang-bisa sa nine-dash line claim ng China sa South China Sea. Hanggang ngayon ay patuloy namang tinatanggihan ng China ang naturang desisyon.