Pinalitan sina Senador Ronald “Bato” dela Rosa at Senador Joel Villanueva bilang mga miyembro ng Senate Committee on Ethics and Privileges dahil sa umano’y conflict of interest, ayon sa naging pahayag sa plenary session ng Senado nitong Martes.

Sa sesyon, inihain ni Senate Majority Leader Juan Miguel Zubiri ang mosyon na italaga sina Senadora Imee Marcos at Senador Rodante Marcoleta bilang kapalit nina dela Rosa at Villanueva, ayon sa pagkakasunod.

Agad namang inaprubahan ni Senate President Vicente “Tito” Sotto III ang mosyon nang walang pagtutol mula sa iba pang mga senador.

Matagal nang hindi dumadalo sa mga sesyon ng Senado si dela Rosa matapos ihayag ni Ombudsman Jesus Crispin Remulla na umano’y naglabas ang International Criminal Court (ICC) ng arrest warrant laban sa senador kaugnay ng kanyang papel sa madugong giyera kontra droga noong administrasyong Duterte.

Samantala, si Villanueva naman ay nahaharap sa mga reklamong inihain laban sa kanya kaugnay ng umano’y ghost flood control projects.

-- ADVERTISEMENT --

Noong Lunes, tuluyan nang nakumpleto ng Senado ang komposisyon ng Ethics Committee matapos italaga ang mga karagdagang miyembro.

Ang naturang komite ang nangangasiwa sa mga usaping may kinalaman sa asal, karapatan, pribilehiyo, kaligtasan, dignidad, integridad, at reputasyon ng Senado at ng mga miyembro nito.