Tiniyak ng Department of Agriculture na nananatiling sapat at matatag ang suplay ng pagkain sa bansa sa kabila ng pangamba sa epekto ng tumataas na presyo ng langis dahil sa tensyon sa Gitnang Silangan.

Ayon kay Agriculture Secretary Francisco Tiu Laurel Jr., walang inaasahang kakulangan sa suplay ng pagkain sa mga susunod na buwan.

Nanatiling matatag ang suplay ng bigas, na pangunahing pagkain ng mga Pilipino.

Sa datos ng National Food Authority, may humigit-kumulang 400,000 metriko toneladang buffer stock—sapat upang pakainin ang bansa sa loob ng 10 araw.

Inaasahan pang madadagdagan ito dahil sa kasagsagan ng anihan at mga darating na importasyon.

-- ADVERTISEMENT --

Pinalalakas din ng DA ang mga hakbang upang mapanatiling abot-kaya ang presyo ng pagkain. Kabilang dito ang mahigpit na pagbabantay sa presyo ng bigas, pag-aaral ng posibleng price cap sa imported na bigas, at pag-aatas sa Food Terminal Inc. at Planters Products Inc. na magbenta ng mas murang alternatibo.

Bukod sa bigas, nananatili ring sapat ang suplay ng gulay dahil sa panahon ng anihan at pagtatanim. Mayroon ding sapat na imported na baboy sa mga cold storage facility, habang patuloy na bumabawi ang lokal na produksyon. Kasalukuyan ring panahon ng ani ang mais, asukal, at sibuyas.

Gayunpaman, aminado ang kalihim na maaaring makaramdam ng bahagyang pagtaas sa presyo dahil sa pagmahal ng gastos sa transportasyon at freight bunsod ng pandaigdigang sitwasyon sa langis.

Samantala, sinabi ni Assistant Secretary Genevieve Guevarra na magpapatuloy ang P20 rice program para sa mga target na benepisyaryo hanggang Hunyo 2028.

Sa kabuuan, iginiit ng DA na nananatiling matatag ang suplay ng pagkain sa bansa, at patuloy ang mga hakbang ng pamahalaan upang mapigilan ang pagtaas ng presyo at matiyak ang sapat na pagkain para sa publiko.