Nagpahayag ng pangamba si House impeachment team adviser at spokesperson Ace Barbers sa pagkaantala ng impeachment trial ni Vice President Sara Duterte dahil sa masamang panahon.

Ayon kay Barbers, nakaaantala ang mga suspensyon sa paglilitis sa presentasyon ng ebidensya at sa pag-usad ng kaso sa Senate impeachment court.

Aniya, nauunawaan ng prosecution ang suspensyon dahil sa malakas na ulan at pagbaha, ngunit umaasa siyang agad na maipagpapatuloy ang paglilitis kapag bumuti ang panahon.

“Justice delayed is justice denied,” ani Barbers, habang binigyang-diin ang kahalagahan ng mabilis na pag-usad ng paglilitis.

Dapat sanang ipagpatuloy ng House prosecutors ang direct examination kay dating Office of the Vice President special disbursing officer Gina Acosta, na idineklarang hostile witness noong Lunes.

-- ADVERTISEMENT --

Tumestigo si Acosta na inatasan umano siya ni Duterte na i-turn over ang P125 milyon confidential funds kay Col. Raymund Dante Lachica.

Saklaw ng Article I ang alegadong maling paggamit at iregular na liquidation ng kabuuang P612.5 milyon confidential funds ng Office of the Vice President at Department of Education.