Ipinagpaliban ng House committee on appropriations ang deliberasyon sa panukalang budget para sa Office of the Vice President matapos na iniwasan ni Vice President Sara Duterte ang halos lahat ng mga tanong na ibinato sa kanya.
Sa huling bahagi ng pagdinig na tumagal ng halos limang oras kahapon, nagmosyon si Zambales 1st District Rep. Jefferson Khonghun na ipagpaliban ang deliberasyon sa budget ng OVP sa September 10.
Sinabi ni Khonghun na dahil hindi naman masagot ni VP Sara ang kanilang mga tanong ay mas mainam na ipagpaliban ang deliberasyon.
Inaprubahan ang mosyon ni appropriations senior vice chair at Marikina 2nd District Rep. Stella Quimbo, na nanguna sa pagdinig.
Bago ang kanyang mosyon, sinabi ni Khonghun na nakakadismaya na hindi nagamit ang pagkakataon para ipaliwanag ang expenditures ng OVP na publice funds.
Pinasalamatan din ni Khonghun si VP Sara dahil sa ipinakita niya ang kanyang tunay na kulay na wala umano siyang respeto sa mga kongresista.
Inihalintulad naman ni ACT Teachers party-list Rep. France Castro si Duterte sa pusit na naglalabas ng tinta kapag ito ay nagigipit, dahil sa ayaw niyang sagutin ang mga tanong may kaugnay sa paggamit sa confidential funds ng OVP.