Nakipagkasundo ang Department of Environment and Natural Resources (DENR) sa limang local government units sa Nueva Vizcaya para palakasin ang proteksyon at pamamahala ng Sta. Fe river.

Sinabi ni DENR Regional Director Gwendolyn Bambalan na ang Memorandum of Agreement na nilagdaan kasama ang mga municipal mayors ng Santa Fe, Aritao, Dupax Del Sur, Dupax Del Norte, at Bambang ay higit pang magsusulong ng proteksyon, konserbasyon, at pamamahala ng Santa Fe river sa probinsya.

Sa ilalim ng kasunduan, pangungunahan ng denr ang information, education, and communication efforts and activities, cleanup drives, collection of water samples at monitoring sa kalinisan, gayundin ang pagpapatupad ng mga kaukulang batas pangkalikasan sa Sta. Fe river.

Tutulong naman ang mga lokal na pamahalaan sa pagpapabuti ng kalidad ng tubig sa kanilang nasasakupan sa pamamagitan ng pagpapalakas sa pagpapatrolya para imonitor ang mga aktibidad sa mga ilog na sakop ng kanilang hurisdiksiyon.

Pinuri ni PENR Officer Giovannie Magat ang suporta at tulong ng mga opisyal ng LGU bilang katuwang ng DENR sa pangangalaga at proteksyon ng ilog.

-- ADVERTISEMENT --

Sinabi ni Magat na dahil sa itinuturing bilang watershed areas ang Nueva Vizcaya, maaaring maapektuhan ng mga aktibidad sa upper stream ang supply ng tubig sa mga lowland areas sa rehiyon gaya ng probinsiya ng Cagayan.

Ang kasunduan ay nilagdaan nina Aritao Mayor Remelina Peros-Galam, Dupax del Norte Mayor Timothy Joseph Cayton, Dupax del Sur Mayor Neil Magaway, Bambang Mayor Benjamin Cuaresma III, at Sta. Fe Mayor Liwayway Caramat.