Patuloy ang ginagawang information dissemination ng Department of Agriculture (DA) Region 2 upang mapanatili ang kaalaman ng mga magsasaka at maiwasan ang malalang epekto ng bagyong Kristine.
Ayon kay Engr. Monico Castro Jr., Field Operations Division Chief ng DA R02, dapat samantalahin ng mga magsasaka ang pagkakataon na anihin ang mga palay, mais, high-value crops, at lowland vegetables bago dumating ang bagyo.
Kapag pumasok na ang bagyo, agad na iaaktibo ang regional at provincial operation centers. Mahalaga ito dahil may mga research at experiment stations ang DA sa bawat probinsya na tumutulong sa pagmamanman ng sitwasyon ng bagyo at iba pang sakuna sa rehiyon.
Nakahanda rin ang DA sa mga buffer stock ng farm inputs para sa rice, corn, at high-value crops.
Sa ngayon, may mga procurement na kaugnay ng mga sakuna at aktibong namamahagi ng mga buto ng mais at palay bilang paghahanda para sa darating na dry season.
Sa mga inaasahang pinsala dulot ng bagyo, ang mga pondong ilalabas ay gagamitin para sa pagbili ng fertilizers at iba pang production inputs, maliban sa mga buto na naipamahagi na bilang bahagi ng kanilang interbensyon para sa dry season 2024-2025 at inaasahang matatapos ang distribusyon ng mga input sa darating na October 31, 2024.
Sa kasalukuyan, mayroong 332,553 hectares na standing crops ng palay, kung saan 42% nito ay naani na. May natitirang 191,651 hectares din na nasa maturity stage, kabilang ang 97,716 hectares na reproductive at 11,464 hectares na vegetative. Para sa mais, may 98,169 hectares na standing crop mula sa kabuuang 240,650 hectares na itinanim.
Sa mga high-value crops, may 50,264 hectares na standing, na may 17,605 hectares na naani na, 20,876 hectares na reproductive, at 8,666 hectares na vegetative. Mayroon ding 2,656 hectares na bagong tanim.
Bilang bahagi ng kanilang preparasyon, nagsasagawa ang DA ng mga training kasama ang Agricultural Training Institute tungkol sa corn silage, na maaaring maging pagkain sa panahon ng bagyo, lalo na sa mga lugar na madaling bahain.