Suportado ni Education Secretary Sonny Angara ang posibleng regulasyon o pagbabawal sa mararahas na online games kasunod ng tumitinding pangamba sa mga insidente ng karahasan sa mga paaralan.

Ayon kay Angara, dapat pakinggan ng pamahalaan ang rekomendasyon ng mga eksperto kung kinakailangan nang ipagbawal ang ilang online games. Tinukoy niya ang larong GoreBox, na aniya ay naglalaman ng matitinding eksena ng karahasan at maaaring magdulot ng masamang impluwensiya sa mga kabataan. Sinabi rin niyang dati nang ipinahayag ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. na dapat ipagbawal ang mga larong mapapatunayang nakapipinsala.

Dagdag pa ni Angara, patuloy na pinatitibay ng Department of Education (DepEd) ang mga hakbang sa kaligtasan sa mga paaralan, kabilang ang inspeksiyon ng mga bag, paggamit ng metal detectors, at active threat response drills. Pinalalakas din ng ahensya ang guidance at child protection services sa pamamagitan ng pagdaragdag ng mga guidance counselor upang matugunan ang mental health at mga isyung pang-asal ng mga mag-aaral.