Humihingi ang Department of Education (DepEd) ng P9.98 bilyon sa Kongreso para pondohan ang Academic Recovery and Accessible Learning o ARAL program matapos itong mabigyan ng zero allocation sa 2027 National Expenditure Program.

Ayon kay Education Secretary Sonny Angara, kabilang sa hinihinging pondo ang bayad sa ARAL tutors, learning recovery at remediation, summer program tutors, learning materials, orientation at program management.

Sa budget hearing sa Kamara, sinabi ni Angara na nasa P1.09 bilyon ang ilalaan para sa kompensasyon ng 15,800 ARAL tutors, habang kabuuang P3.5 bilyon ang hinihingi para sa sahod o remuneration ng mga guro at tutors.

Giit ni Angara, naging epektibo ang programa matapos makinabang dito ang 6.7 milyong learners. Sa bilang na ito, 4.5 milyon ang dating nahihirapang bumasa habang 2.5 milyon ang umabot na sa grade-level reading matapos ang programa.

Nanawagan naman si Bulacan 6th District Representative Salvador Pleyto III na tiyaking sapat ang pondo upang maayos na mabayaran ang mga gurong nagsisilbing ARAL tutors, lalo na’t dagdag ito sa kanilang regular na tungkulin.

-- ADVERTISEMENT --

Samantala, ipinagtanggol ni Angara ang panukalang P975.96-bilyong budget ng DepEd para sa 2027, na aniya ay layong palawakin at palakasin ang mga programa at serbisyo para sa mga mag-aaral, guro at paaralan sa buong bansa.