
Inilunsad ng Department of Education (DepEd) ang Life Skills Micro-Certification Program para sa mga mag-aaral ng Alternative Learning System (ALS) upang pormal na kilalanin ang kanilang mga kasanayan sa komunikasyon, teamwork, leadership at problem-solving. Sa pilot implementation, sakop ng programa ang 2,854 ALS learners sa walong Schools Division Offices.
Kinilala ng DepEd at UNICEF Philippines ang 313 ALS learners mula sa Misamis Oriental na matagumpay na nakapasa sa pilot assessment sa isang seremonya sa Cagayan de Oro City. Ayon kay Education Secretary Sonny Angara, layunin ng programa na kilalanin ang mga kasanayang nahubog ng mga ALS learners mula sa kanilang karanasan sa trabaho, pamilya at komunidad upang maging handa sila sa mas mataas na edukasyon, paghahanapbuhay at aktibong pakikilahok sa lipunan.
Ayon sa DepEd, sumasailalim ang mga kalahok sa 360-degree assessment na kinabibilangan ng self-evaluation at pagsusuri mula sa mga guro at miyembro ng komunidad. Nakahanay ang programa sa Republic Act No. 11510 o Alternative Learning System Act at sa Philippine Qualifications Framework, na nagtataguyod ng pagkilala sa mga kasanayang lampas sa literacy at numeracy.










