Nagsimula na ang mga school head sa buong bansa ng serye ng orientation bilang paghahanda ng Department of Education (DepEd) para sa malalaking reporma sa pagtuturo at pagkatuto para sa School Year 2026–2027.

Ayon kay Education Secretary Sonny Angara, layunin ng maagang orientation, na masigurong hindi lang alam ng mga school head at guro ang mga pagbabago, kundi nauunawaan din nila kung bakit at paano ito ipatutupad.

May nakatakda pang karagdagang malawakang orientation mula Mayo 2 hanggang 15.

Binigyang-diin din ni Angara na kailangang protektahan ang oras at workload ng mga guro.

Aniya, dapat iwasan ang mga hindi kailangang ulat at dagdag na gawain na nakakaabala sa aktwal na pagtuturo.

-- ADVERTISEMENT --

Ang mga orientation ay pinangungunahan mismo ng matataas na opisyal ng DepEd upang matiyak ang malinaw at tamang pagpapaliwanag ng mga bagong polisiya sa iba’t ibang rehiyon.

Maaari itong isagawa nang face-to-face, online, o sa pamamagitan ng self-paced materials tulad ng websites at video kits.

Kabilang sa mga pangunahing reporma ang:

Pagbabago sa istruktura ng school year sa ilalim ng three-term school calendar
Paglalagay ng “opening block” sa simula ng klase para sa baseline assessment, school diagnostics, at mga programang tulad ng feeding initiatives
Pagbabawas ng administrative workload ng mga guro sa pamamagitan ng pag-streamline ng mga requirements

Tatalakayin din sa orientation ang:

Bagong guidelines sa classroom assessment at grading
Lesson planning
Flexible learning programs
Updated protocols para sa pagpapatuloy ng pag-aaral sa panahon ng emergency
Mas pinalakas na mga polisiya para sa epektibong pagtuturo at pamamahala ng paaralan

Sa kabuuan, layunin ng mga pagbabagong ito na mapabuti ang kalidad ng edukasyon habang pinapadali ang trabaho ng mga guro at pinapalakas ang sistema ng paaralan.