Ipinatupad ng Department of Education o DepEd ang 4H emergency learning protocol matapos maantala ang klase sa Metro Manila at ilang lalawigan dahil sa malakas na pag-ulan dulot ng Habagat.

Sa ilalim ng protocol, maaaring ipatupad ng mga paaralan ang Hinto, Hinga, Hinay at Hayo depende sa kondisyon ng panahon, kaligtasan ng mga mag-aaral at guro, at kakayahang ipagpatuloy ang pag-aaral.

Ang Hinto ay para sa mga sitwasyong delikado at kailangang unahin ang kaligtasan. Ang Hinga naman ay para sa panahon ng pagbangon mula sa stress, paglikas o pagkaantala. Ang Hinay ay para sa adjusted learning activities habang may banta o disruption, habang ang Hayo ay para sa ligtas na pagbabalik sa regular na klase.

Ayon kay Education Secretary Sonny Angara, hindi dapat iisang paraan ang ipatupad sa lahat ng paaralan dahil magkakaiba ang kondisyon sa bawat lugar.

Inatasan din ang mga paaralan na makipag-ugnayan sa mga local government unit at disaster risk reduction offices, at tiyaking makatwiran ang mga academic requirements habang may weather-related disruptions.

-- ADVERTISEMENT --

Binigyang-diin ng DepEd na dapat unahin ang kaligtasan at kapakanan ng mga mag-aaral at guro habang pinananatili ang learning continuity kung ligtas at posible.