Naglabas ng bagong polisiya ang Department of Education (DepEd) na nagbibigay ng overtime pay sa mga pampublikong guro, kasabay ng pagdiriwang ng National Teachers’ Month.
Ayon sa panuntunan, makakatanggap ang mga guro ng 125% ng kanilang hourly rate para sa overtime tuwing weekdays at 150% naman tuwing weekends at holidays.
Ang mga gurong may 30 oras ng pagtuturo bawat linggo ay kwalipikado sa benepisyo at maaaring makatanggap ng hanggang apat na oras ng overtime pay kada araw.
Kung sakaling hindi sapat ang pondo para sa bayad, papalitan ito ng Vacation Service Credits (VSC), base sa umiiral na guidelines ng DepEd.
Kailangang makapagtala ng hindi bababa sa dalawang oras ng overtime upang maging kwalipikado sa monetary compensation; kung kulang dito, ituturing na lamang ito bilang karagdagang vacation service.
Layunin ng patakarang ito na kilalanin at suklian ang dagdag na oras at pagsisikap na ibinibigay ng mga guro sa labas ng kanilang normal na klase.
Malugod na tinanggap ng mga guro ang bagong polisiya, na nakikitang makakatulong upang maibsan ang kanilang dagdag na pasanin.
Ayon sa kanila, isa itong hakbang tungo sa mas makataong pagtrato sa mga guro, lalo’t madalas silang nagdadala ng trabaho pauwi at patuloy na gumagawa ng mga tungkulin para sa kapakanan ng mga mag-aaral.
Itinuturing din itong moral boost para sa mga guro, na matagal nang nananawagan ng mas patas na kompensasyon para sa kanilang sakripisyo.