
Nakakuha ang Department of Education (DepEd) ng 172,654 yunit ng MacBook Neo laptops mula sa Apple para ipamahagi sa mga guro at kawani ng mga pampublikong paaralan sa buong bansa.
Kinilala umano ng Apple ang kasunduan bilang pinakamalaking education deal nito para sa MacBook line. Ayon kay Education Secretary Sonny Angara, layunin nitong mabigyan ang mga guro ng makabagong kagamitan at mabawasan ang pasaning bumili o magpanatili ng sariling laptop para sa kanilang trabaho.
Bawat laptop ay nagkakahalaga ng ₱43,000, o ₱6,900 na mas mababa sa kasalukuyang suggested retail price ng base model sa Pilipinas. May kasama rin itong limang taong warranty, productivity tools, delivery at logistics services, at pagsasanay para sa mga gagamit nito.
Nakatakdang ipamahagi ang mga laptop mula Nobyembre 2026 hanggang Marso 2027. Makikipagtulungan din ang DepEd sa Apple para ilunsad ang GuroXL, isang teaching framework na maglalayong isama ang teknolohiya sa pagtuturo sa loob ng silid-aralan.
Sa ilalim ng Computerization Program ng ahensya, umabot na sa 231,725 ang kabuuang bilang ng mga laptop na napagkalooban ng kontrata, kabilang ang 169,008 MacBook Neo at 62,717 Windows-based units.
Ayon naman sa Palasyo, inaasahang mapalalakas ng programa ang digital skills ng mga guro, mapapagaan ang kanilang trabaho at maisusulong ang mas makabagong sistema ng edukasyon sa mga pampublikong paaralan.










