Pinag-aaralan ng Department of Education (DepEd) ang pagpapabuti pa sa mental health programs sa K-12 curriculum sa pamamagitan ng pagpapatupad ng learning model sa emotional at social competencies na kailangan ng mga estudyante bago sila pumasok sa trabaho.

Ang nasabing programa na tinawag na Filipino Social and Emotional Learning (SEL) competency framework, ay nilikha ng ChildFund Philippines, isang nongovernmental organization (NGO).

Ipinaliwanag ni Education Assistant Secretary Dexter Galban, ang SEL framework ang magsisilbing blueprint hindi lamang sa aspeto ng curricular, kundi maging sa support services na ginagawa sa mga eskwelahan.

Sinabi niya na lalo ngayon na binibilisan ang pagpapawalak sa kanilang mental health programs na tutugon hindi lamang sa bulllying, na isa lamang maliit na isyu sa mas malaking usapin sa mental health.

Ayon naman kay Marlene Floresca, ChildFund education specialist, tinutukoy ng SEL framework ang social at emotional competencies na kailangan na matutunan ng lahat ng mga estudyante upang maabot nila ang kanilang mga minimithi.

-- ADVERTISEMENT --

Sinabi pa niya na batay sa framework, bawat isa ay dapat na ma-develop ang magagandang asal ng “pagpapakatao” at “pakikipagkapwa-tao” upang lumaki na isang “batang mahusay at may tiwala sa sarili at kapwa”.

Tinukoy ni Floresca ang anim na general SEL competencies na makakatulong sa mga estudyante-“pagkilala sa sarili”, “pamamahala sa sarili”, “pagiging responsable”, “pagsisikap”, “pakikisama” at “pagmamalasakit”.