Pinalalakas ni Education Secretary Sonny Angara ang suporta sa mga tanggapan ng Department of Education para mapabilis ang pagtatayo ng Learning Continuity Spaces sa buong bansa.

Layunin ng programang ito na mabigyan ng ligtas na lugar ang mga estudyante sa mga lugar na madalas tamaan ng bagyo at iba pang sakuna upang tuloy pa rin ang klase.

May nakalaang P3.5 bilyon mula sa Basic Education Facilities Fund para unahin ang mga paaralang kulang sa silid-aralan o may sirang pasilidad.

Ayon kay Pangulong Ferdinand Marcos Jr., mahalagang masiguro na may matibay na silid-aralan ang mga estudyante kahit may sakuna.

Nagbigay na rin ang DepEd ng mga online training at gabay sa mga Schools Division Offices upang mas mapabilis ang pagpapatupad ng proyekto.

-- ADVERTISEMENT --

Sa ngayon, nagsimula na ang bidding process sa ilang lugar tulad ng Capiz, Zamboanga del Norte, at Zamboanga del Sur, habang ang iba pang lugar ay naghahanda pa para sa proyekto.

Target ng DepEd na matapos ang bawat learning space sa loob lamang ng isa hanggang dalawang linggo gamit ang lokal na materyales at manggagawa.

Nauna nang sinuri nina Marcos at Angara ang mga naipatupad na learning spaces sa Bogo City, Masbate, at Tagum City.

Sa pamamagitan nito, inaasahang masisiguro ang tuloy-tuloy na pag-aaral ng mga estudyante kahit may mga sakuna.