TUGUEGARAO CITY-Nagpaliwanag ang Department of Education Region 2 kaugnay sa learning material na na nag-viral sa social media na may negatibong paglalarawan sa katutubong Igorot.

Sinabi ni Octavio Cabasag, Chief Education Supervisor-Curriculum and Learning Management Division (CLMD) ng DepEd Region 2 na ang nasabing learning material ay draft copy pa lamang ng writer o gumawa ng module na ibig sabihin ay hindi pa ito dumaan sa Quality Assurance Unit.

Ayon sa kanya, tatlong ang pinagdadaanan ng learning materials na nasa kanilang portal, ang una ay ang draft copy mula sa writer, pangalawa ay dadaan sa QA at ang pangatlo ay ang printing ng material na mula sa bawat Schools Division Offices.

Kaugnay nito, sinabi ni Cabasag na naiwasto na ang nasabing learning material at hindi ito ginamit ng ibang eskwelahan sa rehion.

Ayon sa kanya, na maaaring nagmamadali ang nag-imprenta ng nasabing   learning material at hindi nakita na hindi pa dumaan sa QA.

-- ADVERTISEMENT --

Dahil dito, sinabi ni Cabasag na muling isinailalim sa orientation ang mga writers ng mga learning materials o modules upang matiyak na hindi na ito mauulit.

Ayon sa kanya, nakausap na nila ang writer ng nasabing learning material na mula sa Batanes.

Matatandaan na batay sa post sa social media ni John Guiagui ng Bambang, Nueva Vizcaya, mababasa sa learning material ang “kung nakita mo na tinutukso ang isang Igorot dahil sa kanyang anyo” at ayaw kong makipaglaro sa kaklase kong Igorot dahil iba ang kanyang pananamit”.

Dismayado si Guiagui dahil isa umano itong diskriminasyon sa mga katutubong Igorot.