Ipinag-utos ng Department of Education (DepEd) sa lahat ng regional at division offices nito na magsumite ng detalyadong report hinggil sa mga hindi umano nakumpleto o mga ‘ghost’ school buildings.

Sa isang memorandum, pinaalalahanan ni Assistant Secretary for Human Resource and Organizational Development and Education Facilities Division Aurelio Paulo Bartolome ang mga field offices sa kanilang mga tungkulin na tiyakin ang transparency kasunod ng mga napag-alamang iregularidad sa mga itinayong paaralan.

Kaugnay nito, inatasan ang mga regional directors, schools division superintendents, district supervisors, at DepEd engineers na tukuyin at ipaalam ang mga maanomalyang kaso gaya ng matagal na nahintong konstruksyon, hindi kumpletong delivery, at structural defects.

Maliban dito, hinimok din ng ahensya na makipag-ugnayan sa Department of Public Works and Highways (DPWH) para sa mga records ng mga itinayong school building sa ilalim ng kanilang hurisdiksyon.

Ang naturang mga reports ay kailangang isumite sa loob ng 15 working days.

-- ADVERTISEMENT --