Pinabibilis ng Department of Education (DepEd) ang recruitment at deployment ng 10,000 School Counselor Associates (SCA) sa buong bansa bilang bahagi ng hakbang na palakasin ang mental health support sa mga paaralan.

Ayon kay Education Secretary Sonny Angara, target ng ahensya na maitalaga sa mga paaralan ang mga bagong counselor associates bago matapos ang taon, kasunod ng mga insidente ng karahasan sa ilang school campuses.

Pinaikli ng DepEd sa 36 araw ang karaniwang proseso ng hiring matapos aprubahan ng Civil Service Commission (CSC) noong Hunyo 30, 2026 ang qualification standards para sa SCA I at lumikha ang Department of Budget and Management (DBM) noong Hulyo 15 ng 10,000 plantilla items.

Batay sa digital hiring portal ng DepEd na Agile Gateway for Appointments and Placements o AGAP, hanggang Agosto 27 ay 9,702 na SCA I positions ang na-post na.

Sa bilang na ito, 785 ang bukas para sa aplikasyon, 8,811 ang nasa assessment stage at 106 ang nasa proseso na ng appointment.

-- ADVERTISEMENT --

Ang natitirang 298 posisyon ay naghihintay pa ng Notice of Organization, Staffing and Compensation Action (NOSCA) o hindi pa naipo-post.

Sinabi ng DepEd na tatapusin ang assessment at appointment ng mga aplikante bago ang onboarding upang maitalaga ang mga counselor associates sa mga paaralan bago matapos ang taon.

Nilikha ang mga SCA positions sa ilalim ng Republic Act No. 12080 o Basic Education Mental Health and Well-Being Promotion Act of 2024.

Kabilang sa tungkulin ng counselor associates ang pagbibigay ng frontline mental health at well-being services, basic psychosocial support, impormasyon at advocacy, at learner referral services, habang tumutulong sa mga school counselor.

Ayon kay Angara, bibigyang-prayoridad sa deployment ang mga paaralang may naitalang bullying cases o mataas na pangangailangan para sa mental health services.

Bukod sa unang 10,000 SCA I positions, humiling din ang DepEd ng karagdagang 5,000 plantilla items sa pamamagitan ng scrap-and-build process, na pangunahing gagawin sa conversion ng mga bakanteng guidance-related positions.