
Kinondena ng Department of Education (DepEd) ang viral na insidente ng bullying sa Baguio City na kinasangkutan umano ng 11 estudyante.
Sa kumalat na video, makikitang sinuntok at sinipa ng ilang estudyante ang kanilang schoolmate, habang isa sa mga ito ay gumamit umano ng sinturon sa pananakit. Nangyari ang insidente noong Miyerkules malapit sa kanilang paaralan.
Ayon sa DepEd, agad nang inactivate ng regional office ang mga mekanismo para sa proteksyon ng mga bata. Bibigyan din ng kinakailangang psychosocial at medical support ang mga estudyanteng sangkot.
Tiniyak ng ahensya na pananagutin ang mga responsable at makikipagtulungan ito sa Baguio City Police Office Women and Children Protection Desk sa anumang legal na proseso.
Samantala, nanawagan ang mga opisyal ng paaralan at Baguio City Mayor Benjamin Magalong sa publiko na huwag nang ipakalat ang video upang maprotektahan ang dignidad, privacy at kapakanan ng mga batang sangkot.










