
Inihayag ng defense panel sa impeachment trial ni Vice President Sara Duterte na maghahain sila ng testigo na magpapatunay sa umano’y “Operation Romanov,” ang sinasabing planong pagpaslang laban sa bise presidente at sa kanyang pamilya.
Sa pagdinig, tinanong ni Senator-Judge Raffy Tulfo kung ihaharap ng depensa bilang testigo ang vlogger na si Princess Maui, na unang nagbanggit ng “Operation Romanov” sa kontrobersyal na online press conference noong 2024. Gayunman, sinabi ni defense counsel Atty. Mark Vinluan na nakadepende pa ito sa magiging takbo ng paglilitis at sa mga ebidensyang ihaharap ng prosekusyon.
Kinumpirma naman ni Atty. Vinluan na magpapakita ang depensa ng testigong susuporta sa kanilang pahayag tungkol sa umano’y banta sa buhay ni VP Sara at ng kanyang pamilya, ngunit tumanggi muna itong isiwalat ang pagkakakilanlan ng naturang testigo. Nauna nang sinabi ng National Bureau of Investigation (NBI) na hindi humarap sina VP Sara at Princess Maui sa imbestigasyon upang patunayan ang umano’y “Operation Romanov.”










