TUGUEGARAO CITY- Patuloy na hinihikayat ng Philippine Deposit Insurance Corporation (PDIC) ang mga kliyente ng nagsarang Providence Rural Bank Inc. sa Camalaniugnan Cagayan upang magfile na ng kanilang insured deposit claim.

Sa panayam ng Bombo Radyo kay Jhun Villaret ng PDIC, tinatayang aabot sa 2,000 depositors ang hawak ng nasabing banko at mahigit 1,000 na mga kliyente na ang nabayaran ng PDIC sa pamamagitan ng postal money order.

Aniya, ito ay pawang mga depositors ng P50-100k lamang at sa mga malalaking accounts naman na P100-500k ay konti pa lamang ang nag-apply para sa kanilang mga claims.

Bagamat dalawang taon ang palugit o hanggang Pebrero 2022 pa tatagal ang maaaring pagkuha ng claims ay hinikayat niya ang mga depositors na huwag na itong patagalin pa para mas mapabilis ang proceso.

Sinabi nito na kailangan lamang mag-apply online at bisitahin ang kanilang website na www.pdic.gov.ph o tumawag sa telephone no. 028-8414-141 sa oras ng opisina para sa mga karagdagang detalye at katanungan.

-- ADVERTISEMENT --

Gayonman ay pinaalalahanan din nito ang mga may loan sa nagsarang banko na asikasuhin ang kanilang mga dokumento at obligasyon upang maiwasan ang problema.

Samantala, para naman sa mga pinagkakautangan ng Providence Rural Bank tulad ng mga hindi nabayarang empleyado ay maaari rin aniyang mag file ng kanilang claims sa tanggapan pa rin ng PDIC.

Sinabi ni Villaret na may palugit lamang ang paghahain ng mga claims at uumpisahan ang countdown nito pagkatapos ng community quarantine.
Matatandaan na ipinasara ng Monetary Board (MB) ng Bangko Sentral ng Pilipinas (BSP) ang Providence Rural Bank Inc. at pinatake-over sa PDIC nitong Pebrero 28, 2020.
Ayon sa PDIC, iisa lang ang tanggapan ng Providence Rural Bank na matatagpuan sa Barangay Bulala sa Calamaniugan, Cagayan.

Nung December 31, 2019, may 2,431 na deposit accounts ito na nagkakahalagang P33.4 milyon.

Sinabi ng PDIC, 93% sa mga deposit o P31.06 milyon ay may deposit insurance kaya’t mababayaran.

Sabi ng PDIC, babayaran lahat ng sakop ng P500,000 na maximum deposit insurance coverage.