
Inihayag ng tagapagsalita ng Senate impeachment court na karamihan sa nilalaman ng desisyon ni Senate President at presiding officer Francis “Chiz” Escudero kaugnay ng subpoena sa bank at tax records ni Vice President Sara Duterte ay naihanda na bago pa magsimula ang impeachment trial.
Ayon kay impeachment court spokesperson Regie Tongol, nakahanda na si Escudero na magpasya sa kahilingan para sa subpoena noong unang araw pa lamang ng paglilitis noong Hulyo 6 dahil nakapaloob na ito sa pre-trial brief ng House prosecution panel.
Gayunman, ipinagpaliban umano ang paglalabas ng resolusyon matapos ihayag ni House prosecution panel member Rep. Chel Diokno na naghain sila ng panibagong kahilingan para sa subpoena.
Sinabi ni Tongol na pinagbigyan ni Escudero ang kahilingan ng depensa na mabigyan ng kopya ng bagong mosyon at isinagawa ang oral arguments matapos hilingin ito ng mga senador-hukom.
Aniya, tinalakay rin ni Escudero ang naturang desisyon sa mga kapwa senator-judges sa kanilang caucus noong Hulyo 15.
Noong Lunes, binasa ni Escudero ang desisyon ng impeachment court na nagpapahintulot sa pagpapalabas ng subpoena para sa bank records at Anti-Money Laundering Council (AMLC) records ni Duterte at ng kanyang asawang si Atty. Manases Carpio, gayundin sa mga kaugnay na tax records ng Bise Presidente.
Ayon kay Tongol, ilalabas ang subpoena sa parehong araw at posibleng maipadala sa mga kinauukulang institusyon sa Martes.
Ipinaliwanag din niya na saklaw ng subpoena ang BIR Commissioner Charlito Martin Mendoza, na inaasahang tutugon sa kahilingan para sa tax records ni Duterte sa Hulyo 30, 2026.
Sinabi ni Tongol na maaaring gamitin ng BIR commissioner ang subpoena bilang batayan sa paghingi ng pahintulot kay Pangulong Ferdinand Marcos Jr. kaugnay ng pagbubukas ng tax records.
Sa ilalim ng Section 71 ng National Internal Revenue Code of 1997, maaaring buksan ang tax records ng isang taxpayer sa pamamagitan ng utos ng Pangulo, kahilingan ng foreign tax authority na may pahintulot ng Pangulo, o waiver mula mismo sa taxpayer.









