Hiniling ng Department of Foreign Affairs o DFA sa APO Production Unit, Inc. na ipagpaliban hanggang 2028 ang planong pagtataas ng presyo ng Philippine passport.

Ayon kay DFA Secretary Theresa Lazaro, nais ng APO na itaas mula ₱950 sa ₱1,500 ang presyo ng passport. May iminungkahi namang discounted rate na ₱1,200 para sa senior citizens at overseas Filipino workers o OFWs.

Sinabi ni Lazaro na makatwiran ang hiling ng APO dahil mahigit 10 taon nang hindi nagbabago ang presyo ng passport. Gayunman, hiniling ng DFA na ipagpaliban muna ang dagdag-singil dahil nakatakdang ilunsad ang next-generation passport sa kalagitnaan ng 2028.

Ayon sa kalihim, maaaring makaapekto sa planong bagong passport ang agarang pagtataas ng presyo sa Enero. Kailangan din aniya ng maayos na information campaign bago ipatupad ang anumang price increase.

Samantala, sinabi ni Senate finance committee chairperson JV Ejercito na dapat ipaalam ng DFA sa Senado kung kailangan ng subsidiya para sa passport, bagama’t limitado aniya ang fiscal space ng gobyerno.

-- ADVERTISEMENT --