
Mariing itinanggi ng Department of Foreign Affairs (DFA) ang paratang ni Rep. Toby Tiangco na ito’y “nagla-lawyer” o pumapanig umano kay dating kongresista Zaldy Co sa pamamagitan ng pagtangging kanselahin ang kanyang pasaporte.
Giit ng DFA, hindi sila maaaring magkansela ng passport kung walang utos mula sa korte, alinsunod sa mga probisyon ng New Passport Law.
Paliwanag ng DFA, tanging sa mga kasong malinaw na nakasaad sa batas gaya ng passport na nakuha sa panlilinlang, may pamemeke, maling pagkakaloob, o kung ang may hawak nito ay nasentensyahan na ng korte o isang fugitive, lamang sila maaaring kumilos.
Dagdag pa nila, hindi maaaring gamitin ang kapangyarihang ito sa mga arbitraryo o pulitikal na kadahilanan.
Nanindigan ang DFA na ginagalang nila ang due process at rule of law, at kung may sapat na ebidensya si Tiangco, dapat itong idulog sa korte imbes na maglabas ng akusasyon sa publiko.
Sa kabilang banda, iginiit ni Tiangco na may kapangyarihan ang DFA Secretary sa ilalim ng Administrative Code na magpatupad ng restrictions sa karapatang bumiyahe kung may banta sa pambansang seguridad, kaligtasan ng publiko, o kalusugan.