Ipinahayag ng Department of Foreign Affairs (DFA) ang matinding pagkondena sa kamakailang pagpapalipad ng ballistic missiles ng North Korea.
Sa isang pahayag, sinabi ng DFA na “ang Pilipinas ay nagpapahayag ng seryosong pagkabahala at matinding pagkondena sa mga kamakailang pagpapalipad ng ballistic missiles na isinagawa ng Democratic People’s Republic of Korea (DPRK).”
Noong Marso 10, iniulat na naglunsad ang North Korea ng ilang missiles mula sa kanlurang rehiyon nito patungo sa Yellow Sea bilang tugon sa mga magkasanib na pagsasanay militar ng South Korea at Estados Unidos.
Nagbigay babala ang Manila sa Pyongyang na “ang ganitong mga provokasyong aksyon ay naglalagay sa alanganin ang pag-unlad ng ekonomiya, kapayapaan, at katatagan sa Korean Peninsula at sa rehiyon ng Indo-Pacific.”
Muling binigyang-diin ng DFA ang panawagan nito sa DPRK “na agarang itigil ang mga aktibidad na ito at sumunod sa lahat ng internasyonal na obligasyon, kabilang ang mga kaugnay na Resolusyon ng UN Security Council, at magtulungan patungo sa mapayapa at konstruktibong diyalogo.”