
Mariing itinanggi ng Department of Foreign Affairs o DFA ang batikos ng ilang miyembro ng Special Advisory Council for Myanmar o SAC-M na pumalya umano ang pamumuno ng Pilipinas sa pagtugon ng ASEAN sa krisis sa Myanmar.
Sa inilabas na pahayag, sinabi ng DFA na malisyoso at nakaliligaw ang naging pahayag ng SAC-M laban kay Foreign Affairs Secretary Ma. Theresa Lazaro, na nagsisilbing Special Envoy ng ASEAN Chair sa Myanmar habang hawak ng Pilipinas ang chairmanship ng regional bloc ngayong taon.
Ayon sa DFA, ang isinagawang impormal na pagpupulong ng mga ASEAN foreign minister kasama ang kinatawan ng Myanmar noong Hulyo 12 ay napagkasunduan ng mga miyembrong bansa at isinagawa alinsunod sa mandato ng ASEAN Leaders na isulong ang Five-Point Consensus o 5PC.
Iginiit din ng kagawaran na nananatiling pangunahing gabay ng ASEAN ang 5PC sa pagtugon sa krisis sa Myanmar, kabilang ang pagtigil ng karahasan, pagsusulong ng diyalogo sa lahat ng panig at pagpapalawak ng humanitarian assistance.
Nauna nang sinabi ng SAC-M na bigo umano ang Pilipinas sa pamumuno nito sa ASEAN at inakusahan si Lazaro ng mahinang pamamalakad matapos nitong pahintulutan ang pagpupulong ng mga ASEAN foreign minister kasama ang kinatawan ng military junta ng Myanmar.
Patuloy na nahaharap sa kaguluhan ang Myanmar mula nang agawin ng militar ang kapangyarihan sa pamamagitan ng kudeta noong 2021 na nagpatalsik sa halal na pamahalaan ni Aung San Suu Kyi.









