Sinabi ni Education Secretary Sonny Angara na naging hamon sa mga Pilipinong mag-aaral sa mga nakaraang PISA assessment ang kakulangan sa pamilyaridad sa paggamit ng digital technology.

Ayon kay Angara, may ilang estudyante na unang nakagamit ng computer mouse mismong noong pagsusulit, na maaaring nakaapekto sa kanilang oras at performance sa assessment.

Sa 2025 PISA, tiniyak umano ng Department of Education na may sapat na karanasan sa paggamit ng computer ang mga estudyanteng sasailalim sa pagsusulit.

Kasabay nito, sinabi ni Angara na layunin ng DepEd na magkaroon ng kahit isang computer laboratory sa bawat paaralan. Gayunman, hindi umano nangangahulugan ang mas maraming computer access na dapat ding dagdagan ang screen time ng mga estudyante.

Tinalakay rin ni Angara ang paggamit ng artificial intelligence sa edukasyon. Aniya, maaari itong makatulong sa teacher training at personalized learning, ngunit may panganib din itong makaapekto sa creative at critical thinking ng mga batang mag-aaral.

-- ADVERTISEMENT --

Dahil dito, iginiit ni Angara na dapat gamitin ang AI sa tamang edad, may sapat na safeguards at may kaukulang pagsasanay para sa mga guro.