Lumalabas na si dating Pangulong Rodrigo Duterte ang nasa sentro ng “grand criminal enterprise” para maglunsad ng brutal na war on drugs upang kumita mula sa nasabing illegal drugs na kanyang ipinangako noon na kanyang bubuwagin.
Ito ay batay sa preliminary report ng ilang buwan na pagdinig sa Kamara.
Sinabi ni Antipolo Rep. Romeo Acop, si Duterte ang mukha umano ng illegal drugs at kriminalidad sa bansa.
Ito ay sa kanyang binasa na report sa findings ng House quad committee sa kaugnayan ng nakalipas na administrasyon sa Philippine offshore gaming operators (Pogos), illegal drugs at extrajudicial killings (EJKs).
Sinabi ni Acop na napakasakit ang mga natuklasan ng quad comm dahil sa tila binudol umano ni Duterte ang sambayanan.
Tinukoy ni Acop ang sinabi ni dating “right hand man” ni Duterte na tumestigo sa isang pagdinig ng quad comm, ang pinatalsik na si narcotic officer Eduardo Acierto na ang dating pangulo ang “lord of all drug lords.”
Ayon kay Acop, mahirap ang trabaho ng quad comm at walang may gusto na kalabanin ang isang sikat na dating pangulo.
Subalit, sinabi niya na tulad ni Duterte, ang mga mambabatas ay inihalal ng mga mamamayan at may responsibilidad sila sa mga ito.
Inilahad ni Acop ang summary ng findings ng quad comm mula sa mga isinagawang pagdinig, mga testimonya at mga dokumento at maraming resource persons kabilang ang mga retired at active duty na mga opisyal ng PNP, mga kamag-anak at supporters ng drug war victims, local at national officials, at maging mismong si Duterte.
Sinabi ni Acop na ganamit ni Duterte at ang kanyang inner circle ang drug war para pagtakpan ang tinatawag na “Davao Mafia” upang kumita sa drug trade at walisin ang mga ka-kompetensiya.
Matatandaan na sa pagharap ni Duterte sa pagdining noong November 13, mariin niyang pinabulaanan ang lahat ng mga nasabing alegasyon subalit, inamin niya na hinikayat niya ang mga pulis na ipatupad ang kanyang drug war sa anomang paraan para labanan ang salot na droga.
Sinabi din ni Duterte na aakuin niya lahat ang mga responsibilidad sa mga nangyari sa ilalim ng drug war.
Batay sa report ng PNP, mahigit 6,000 katao ang pinatay sa panahon ng panunungkulan ni Duterte, subalit naniniwala ang human rights groups na posibleng aabot ito sa 30,000.
Samantala, sinabi ni quad comm chair Surigao del Norte Rep. Robert Ace Barbers na itutuloy nila ang pagdinig sa January 2025 at sisimulan na ang legislative measures na kanilang inihain bilang bahagi ng output ng komite, kabilang ang panukala na magpapataw ng parusa sa EJKs.