
Hiniling ni DILG Secretary Jonvic Remulla sa Kongreso na repasuhin ang mga batas kaugnay ng loose firearms, kabilang ang tinatawag na “Robin Padilla Law,” kasunod ng mga insidente ng pamamaril sa mga paaralan.
Iminungkahi ni Remulla na gawing non-bailable ang pag-iingat ng baril na walang kaukulang dokumento, lalo na’t aniya, 98% ng mga krimeng may kinalaman sa baril ay gumagamit ng loose firearms.
Ayon kay Remulla, maging ang mga legal na baril ay dapat na mahigpit na iniingatan ng mga may-ari upang hindi makuha at magamit ng mga bata.
Samantala, sinabi niyang ginamit umano sa pamamaril sa Ateneo de Zamboanga ang baril ng ama ng estudyanteng suspek, na isang tauhan ng Bureau of Customs. Ayon sa DILG, nakapasok ang estudyante sa paaralan sakay ng sasakyan ng kaniyang ama kaya hindi na dumaan sa regular na security check.
Dahil dito, sinuspinde at inalis na umano sa puwesto ang nasabing tauhan ng BOC habang patuloy ang imbestigasyon sa insidente.










