Iimbestigahan ng Department of the Interior and Local Government (DILG) ang posibleng pananagutan ni Davao City Mayor Sebastian “Baste” Duterte matapos umanong ipag-utos ang pagtatapon ng basura sa harap ng tanggapan ng Department of Environment and Natural Resources (DENR) sa lungsod.

Ayon sa ulat, iniutos ng alkalde sa mga garbage collector ang pagtatambak ng basura matapos ipasara ng DENR ang New Carmen Sanitary Landfill, kung saan dalawang katao ang nasawi at isa pa ang nawawala dahil sa pagguho ng tambak na basura.

Sinabi ni Communications Undersecretary Claire Castro na sisiyasatin kung may kapabayaan o paglabag sa environmental laws, at tiniyak umano ni DILG Secretary Jonvic Remulla na magsasagawa ng imbestigasyon.

Dagdag ni Castro, ang posibleng parusa kay Duterte at iba pang opisyal ay nakabatay sa magiging resulta ng imbestigasyon at sa bigat ng paglabag.

Nauna nang ipinaliwanag ng DENR na pansamantalang isinara ang landfill upang maipagpatuloy ang search and retrieval operations para sa nawawala pang biktima na pinaniniwalaang natabunan ng basura.

-- ADVERTISEMENT --