Itinuturing ng Malacañang na hamon sa Department of the Interior and Local Government (DILG) at Philippine National Police (PNP) ang pag-aresto kay Senador Ronald “Bato” dela Rosa upang matupad ang kanilang mandato na ipatupad ang batas.

Ayon kay Palace Press Officer Claire Castro, hindi dapat maging dahilan ang dating posisyon ni Dela Rosa bilang hepe ng PNP o ang umano’y lawak ng kaniyang koneksyon sa pulisya at militar upang hindi ipatupad ang umiiral na warrant of arrest laban sa senador.

Binigyang-diin ni Castro na tungkulin ng mga awtoridad na sundin ang mga legal na kautusan alinsunod sa Konstitusyon.

Nagpahayag din siya ng tiwala kay PNP Chief General Jose Melencio Nartatez Jr. na uunahin nito ang tungkulin kaysa personal na ugnayan.

Sinabi rin ni Castro na hindi nagpapakita ng pagkadismaya si Pangulong Ferdinand Marcos Jr. sa hindi pa pagkakadakip kay Dela Rosa, hangga’t nakikita nitong ginagampanan ng PNP at DILG ang kanilang mga responsibilidad.

-- ADVERTISEMENT --

Gayunman, magiging ibang usapin umano kung mapatutunayang may mga pulis na nagpoprotekta sa senador.

Nananatiling hindi natatagpuan si Dela Rosa matapos ang itinakdang palugit sa kaniya na sumuko noong Oktubre 30.

Nakasaad sa ulat na ang pag-aresto sa kaniya ay kaugnay ng warrant na magdadala sa kaniya sa International Criminal Court sa The Hague, Netherlands.