Tuguegarao City- Nakatakdang maglabas ng specific guidelines ang Department of Interior and Local Government (DILG) sa araw ng lunes ika-27 ngayong taon kaugnay sa ipatutupad na General Enhanced Community Quarantine (GCQ) sa lalawigan
Sa panayam ng Bombo Radyo kay Ruperto Maribbay, Provincil Director ng DILG Cagayan, may mga kaukulang hakbang pa ring dapat ipatupad upang makasiguro na ligtas ang buong lalawigan sa banta ng COVID-19.
Magugunitang kahapon ay naglabas ng paunang impormasyon ang naturang tanggapan kaugnay sa iba’t-ibang kategorya ng mga business and labor sectors na maaaring magbukas sakaling ipatupad na ang GCQ.
Ayon sa opisyal, bagamat maaaring lumuwag ang sitwasyon kung ikukumpara sa mahigpit na pagpapatupad ng enhanced community quarantine ay limitahan ang galaw ng publiko upang matiyak ang kaligtasan ng lahat.
Kaugnay nito, kailangan aniyang sundin ang age bracket ng mga papayagang lumabas sa tahanan kung saan kabilang sa mga hindi muna palalabasin ay ang mga nasa edad 21 pababa at 60 pataas.
Sa usapin naman ng transportasyon ay maglalagay din ng mga panuntunan at mga restrictions na dapat sundin upang mapanatili ang social distcancing.
Giit ni Maribbay, kailangan pa rin ng ibayong pag-iingat at limitahan ang galaw ng publiko upang makasiguro na makaiiwas ang lahat sa sakit.
Muli namang ipinunto ng director na sa ngayon ay nasa ilalim pa rin ng ECQ ang buong lalawigan kaya’t hinikayat nito ang lahat na sumunod pa rin sa mga ipinatutupad na batas upang hindi na muling makapagtala ng kaso ng COVID-19 sa Cagayan.
Una rito, sa anunsiyo ni Pangulong Rodrigo Duterte na binasa ni Presidential Spokesman Harry Roque kabilang ang lalawigan ng Cagayan sa mga lugar na nasa moderate pero nasa orange category.
Ibig sabihin aniya ay kailangan pang i-evaluate kung ano ang mangyayari sa kanila pagkatapos ng April 30 kung ilalagay sila sa general community quarantine o mananatili sa ECQ.