Nanawagan ang Department of the Interior and Local Government (DILG) sa mga local government units (LGUs) na magpasa ng mga bagong ordinansa at palakasin ang umiiral na mga patakaran bilang suporta sa “Safer Cities” initiative ng pamahalaan — isang pambansang kampanya para gawing mas ligtas ang mga lansangan at pampublikong lugar.

Isinasakatuparan ng kampanyang ito ang direktiba ni Pangulong Ferdinand R. Marcos Jr. na paigtingin ang kapayapaan at kaayusan, pababain ang krimen, at tiyaking ligtas ang pakiramdam ng mamamayan hindi lamang sa kanilang tahanan kundi pati sa mga pampublikong lugar gaya ng kalsada, palengke, at paligid ng mga paaralan.

Hinimok ng DILG ang mga probinsya, lungsod, munisipalidad, at barangay na repasuhin at higpitan ang mga ordinansa laban sa pag-inom ng alak sa pampublikong lugar, paglalakad nang walang pang-itaas na kasuotan, sobrang ingay, paggamit ng videoke lampas alas-10 ng gabi, at paglabag sa curfew ng mga menor de edad.

Para naman sa mga LGU na mayroon nang ganitong mga patakaran, iginiit ng ahensya ang mas mahigpit at tuloy-tuloy na pagpapatupad nito, kasama ang pagdaragdag ng presensya ng pulisya sa matataong lugar tulad ng mga pangunahing kalsada, terminals , commercial districts, at iba pang mataong lugar.

Binigyang-diin din ng DILG na tungkulin ng mga lokal na opisyal na itaguyod ang pangkalahatang kapakanan, panatilihin ang kapayapaan at kaayusan, pangalagaan ang kaligtasan ng publiko, at tiyakin ang kaginhawaan ng mamamayan.

-- ADVERTISEMENT --

Batay sa datos ng Safer Cities initiative, umabot na sa 68,257 public safety interventions ang naisagawa, kabilang ang mga aksyon sa pagpapatupad ng batas, paggabay sa komunidad, at mga hakbang na pangwasto sa iba’t ibang lugar.

Kabilang sa mga karaniwang paglabag ang pag-inom at paninigarilyo sa pampublikong lugar, paglalakad nang walang pang-itaas na kasuotan, paglabas ng mga menor de edad sa curfew, at hindi awtorisadong paggamit ng karaoke lampas sa itinakdang oras.