Tiniyak ng Department of the Interior and Local Government (DILG) at ng Philippine National Police (PNP) na handa ang mga awtoridad sakaling magkaroon ng kilos-protesta sa bansa, kasunod ng mga demonstrasyong nagaganap sa Nepal at Indonesia.
Ayon kay DILG Secretary Jonvic Remulla, hindi inaasahang mauuwi sa kaguluhan ang sitwasyon sa Pilipinas, ngunit paiiralin ng mga pulis ang maximum tolerance at pagiging sensitibo sa hinaing ng mamamayan.
Binigyang-diin niya na may karapatan ang publiko sa mapayapang pagtitipon ayon sa Konstitusyon, kaya’t hindi ito pipigilan basta’t may kaukulang permit at nananatiling mapayapa ang mga aktibidad.
Pinayuhan din ang mga pulis na maging mahinahon at magpakita ng pasensya sa pagharap sa mga protesta.
Nangako ang DILG na hindi nila susuprimahin ang mga lehitimong kilos-protesta, ngunit kikilos sila kung may banta sa kapayapaan at kaayusan.