
Iginiit nina Akbayan Party-list Rep. Chel Diokno at Mamamayang Liberal Party-list Rep. Leila de Lima, kasama ang House prosecutors, na ang impeachment trial ni Vice President Sara Duterte ay hindi lamang usapin ng pananagutan sa mga alegasyon laban sa kanya, kundi pagtutol din sa umano’y kultura ng karahasan at impunity.
Ayon kay De Lima, ang mga umano’y grave threats ni VP Duterte laban kina Pangulong Ferdinand Marcos Jr., First Lady Liza Araneta-Marcos, at dating House Speaker Martin Romualdez ay bahagi umano ng mas malawak na kultura ng marahas na pananalita na aniya’y hindi dapat maging katanggap-tanggap sa lipunan.
Samantala, sinabi naman ni Rep. Diokno na naging tila normal sa kamalayan ng publiko ang karahasan noong panahon ng war on drugs ng nakaraang administrasyong Duterte. Aniya, mahalagang suriin kung may kaugnayan ang normalisasyon ng marahas na pananalita ng mga opisyal sa pagdami ng karahasan sa iba pang bahagi ng lipunan, kabilang na sa mga paaralan.
Patuloy namang dinidinig ng Senate impeachment court ang Article IV ng Articles of Impeachment, kung saan inihaharap ng House prosecution ang mga ebidensya at mga testigo kaugnay ng alegasyong grave threats at betrayal of public trust laban sa Bise Presidente.










