Inamin ni Sarah Discaya sa pagdinig ng Senate Blue Ribbon Committee na may-ari siya ng siyam na construction firms na kadalasang nanalo sa bidding ng mga proyekto ng Department of Public Works and Highways (DPWH).

Naunang sinabi ni Discaya na konektado lamang siya sa Alpha & Omega General Contractor and Development Corp. bilang chief financial officer at na-i-divest na umano niya ang ibang mga kumpanya.

Pero sa muling pagbusisi ni Senate President pro-tempore Jinggoy Estrada, inamin din ni Discaya na “part-owner” siya ng mga kumpanyang pagmamay-ari ng kanilang pamilya.

Bukod sa Alpha & Omega, ang ilang construction companies ng mga Discaya ay ang St. Gerrard General Contractor and Development Corp., St. Timothy Construction Corp., Elite General Contractor and Development Corp., St. Matthew General Contractor & Development, Great Pacific Builders and General Contractor, YPR General Contractor and Construction Supply, Amethyst Horizon Builders and General Contractor & Dev’t Corp. at Way Maker General Contractor OPC.

Aminado rin si Discaya na naglalaban-laban ang siyam na kumpanya nila sa iisang bidding at kahit alin sa kumpanya ang makatanggap ng proyekto ay panalo pa rin sila sa huli.

-- ADVERTISEMENT --

Inusisa rin ni Estrada si Discaya kung sino ang kakilala nito sa DPWH na nagbibigay sa kanyang mga kumpanya ng proyekto dahil bago pa man mabuo ang National Expenditure Program (NEP) ay may impormasyon ang senador na nakukuha na nito agad ang proyekto.

Nagmatigas naman si Discaya na wala siyang kakilala sa DPWH kundi mga district engineers lamang partikular sa Laguna at Bulacan.

Itinanggi rin ng contractor na wala siyang pinasok o ginawang ghost projects.