Inihayag ng Commission on Elections (Comelec) na may hanggang Hunyo 30 ang komisyon upang maresolba ang mga kasong diskwalipikasyon laban sa mga kandidato na may kinahaharap na reklamo.
Ayon kay Comelec Chairman George Garcia, kabilang sa mga kasong isinampa ng Task Force Baklas ay laban sa 50 kandidato na diumano’y lumabag sa campaign material rules.
Bagama’t maaaring maiproklama at makapanumpa na ang ilan sa mga nanalong kandidato, nilinaw ni Garcia na hindi pa rin ito garantiya ng pinal na tagumpay kung may nakabinbing kaso.
Aniya, sa national positions, kahit nanumpa na, ang pagiging opisyal ay epektibo lamang sa Hunyo 30 — at hanggang doon ay nasa hurisdiksyon pa rin ng Comelec ang mga kaso.
Dagdag pa niya, may kapangyarihan ang Comelec na ipagpaliban ang proklamasyon ng mga kandidatong may kinahaharap na reklamo, anuman ang dahilan nito.