Hinamon ni Department of Public Works and Highways (DPWH) Secretary Vince Dizon si Batangas 1st District Representative Leandro Leviste na pangalanan ang mga opisyal ng kanyang ahensya na umano’y may kaugnayan sa mga contractor at sangkot sa isyu ng kickback.

Ibinunyag ni Leviste sa isang press conference na may ilang miyembro ng DPWH na umano’y contractor mismo o nakikipagpulong sa mga contractor para sa hindi awtorisadong kasunduan. Batay sa kanyang pahayag, ang impormasyon ay mula sa ilang mapagkakatiwalaang source, ngunit walang konkretong ebidensiya ang naipakita.

Bilang tugon, iginiit ni Dizon na wala siyang personal na kaibigan o koneksyon sa mga contractor, sa kabila ng kanyang dating posisyon bilang pangulo ng Bases Conversion and Development Authority (BCDA) at presidential adviser sa mga flagship project.

Nilinaw niyang ang kanyang mga undersecretary ay kanyang personal na pinili at, batay sa kanyang kaalaman, wala sa kanila ang contractor.

Gayunpaman, bukas umano siya sa isang pribadong pag-uusap kay Leviste upang makuha ang karagdagang detalye at tiniyak na paiimbestigahan niya ang isyu.

-- ADVERTISEMENT --

Dagdag pa ni Dizon, handa siyang tanggalin at kasuhan ang sinumang opisyal sa loob ng DPWH na mapatunayang nanghihingi o tumatanggap ng kickback mula sa mga contractor.

Nanindigan rin si Dizon na dapat imbestigahan at busisiin ang mga nasa pamahalaan upang masugpo ang korapsyon, at hinimok ang publiko na magsumbong kung may alam silang katiwalian sa loob ng DPWH.

Samantala, inihayag ni Leviste na kung ibababa ni Dizon ng 25% ang halaga ng mga proyekto ng DPWH, sapat na raw itong patunay na hindi ito sangkot sa anumang kickback scheme.