Inihayag ni Public Works and Highways Secretary Vince Dizon na walang problema sa kanya kung lalo pang babawasan ang pondo ng DPWH sa hangarin na masawata ang koruspyon sa ahensiya.
Ito ay kaugnay sa sinabi ni Senator Sherwin Gatchalian na hanggang P348 billion ang ibabawas pa sa proposed budget ng DPWH sa 2026, matapos na isiwalat niya na mahigit 6,000 projects na nagkakahalaga ng P271 billion ang naka-“red flag,” tulad ng walang station number, dulplicate projects, may maraming phases, o bumabalik na mga proyekto mula sa 2025 General Appropriations Act (GAA) sa 2026 National Expenditure Program (NEP).
Sinabi ni Dizon na maging siya ay hindi papayag na may mga kuwestionableng mga proyekto sa 2026 budget.
Ayon sa kanya, kahit bawasan pa ang budget ng DPWH, ang mahalaga ay matiyak na magagamit ng tama ang pondo ng ahensiya.
Sinuspindi ng Senate committee on finance ang deliberasyon sa proposed budget ng DPWH para sa 2026 sa Lunes, October 27.
Binigyan si Dizon ng isang linggo para magsumite ng mga dokumento na magbibigay katuwiran o magpapaliwanag sa mga findings na inilabas sa budget deliberation.
Sinabi ni Dizon, magsasagawa sila ng validation sa lahat ng mga proyekto na natuklasan na may “red flags” at tatapusin ang pag-aaral sa pagpapababa sa halaga ng infrastructure materials sa loob ng isang linggo.
Magugunita na ang panukalang budget ng DPWH ay P881.31 billion sa ilalim ng 2026 NEP, subalit ito ay ibinababa sa P625.78 billion matapos na tanggalin ang locally funded flood control projects sa gitna ng mga nabunyag na substandard o ghost projects.