
Ipinasara ng Department of Migrant Workers (DMW) ang isang manpower agency sa Maynila dahil sa umano’y ilegal na pagrerekrut ng overseas Filipino workers (OFWs) gamit ang kunwaring government-to-government hiring scheme.
Ayon sa DMW, isinagawa ang operasyon ng Migrant Workers Protection Bureau katuwang ang Manila Police District at National Bureau of Investigation.
Napag-alaman na umano’y walang valid license mula sa DMW ang naturang manpower agency habang nag-aalok ng trabaho sa Taiwan, Canada, Finland, at New Zealand bilang hotel workers, production operators o packers, at cleaners.
Nangako rin umano ang ahensya ng buwanang sahod na mula P170,000 hanggang P210,000 sa mga aplikante.
Bukod dito, sinisingil umano ang mga aplikante ng aabot sa P260,000 para sa documentation at visa processing fees.










