
Pinag-aaralan ng Department of Migrant Workers (DMW) na isama sa high-risk o warlike zone ang southwestern bahagi ng Black Sea kasunod ng sunod-sunod na pag-atake sa mga commercial vessel na may sakay na mga Pilipinong tripulante.
Ayon kay Migrant Workers Secretary Hans Leo Cacdac, naghahanda ang ahensya ng rekomendasyong muling suriin ang kasalukuyang maritime risk classification upang matukoy kung dapat nang saklawin ang karagatan malapit sa Bulgaria at Romania.
Kasunod ito ng naiulat na drone attack sa LPG tanker na Gas Husky na may sakay na 19 Pilipinong tripulante at lumubog sa karagatan noong Nobyembre 17.
Ligtas na nailikas ang lahat ng tripulante, bagama’t dalawa sa mga Pilipino ang nagtamo ng minor injuries. Kasalukuyan silang nasa isang hotel sa Bulgaria habang inaayos ang kanilang pagpapauwi sa bansa.
Paliwanag ni Cacdac, mahalagang mapalawak ang proteksyon sa mga seafarer na dumaraan sa naturang lugar. Kabilang sa mga benepisyo sa mga barkong dumaraan sa itinalagang high-risk o warlike zone ang karapatang tumangging bumiyahe, repatriation sa gastos ng kumpanya at karagdagang kompensasyon.
Gayunman, sasailalim pa sa pag-aaral at kaukulang proseso ang panukalang pagbabago sa maritime risk classification.










