
Mahigit 4,000 bakanteng trabaho ang inialok sa mga Pilipino sa job fair ng Department of Migrant Workers (DMW) sa Robinsons Galleria sa Quezon City bilang bahagi ng paggunita sa 128th Philippine Independence Day.
Ayon sa DMW, layunin ng aktibidad na mabigyan ng oportunidad ang mga first-time overseas job seekers at mga overseas Filipino worker (OFW) na naapektuhan ng tensyon sa Middle East.
Tumulong sa job fair ang 13 licensed recruitment agencies para sa land-based at manning jobs.
Kabilang sa mga bansang may bakanteng trabaho ang United States, Canada, Japan, Australia, New Zealand, at iba pang bansa sa Europa at Pacific region, pati na rin ang mga posisyon sa international vessels.
Kasabay nito, nagsagawa rin ng katulad na job fair sa iba’t ibang mall sa Metro Manila at inaasahan ang libo-libong aplikante sa iba pang lokasyon.
Ayon sa DMW, layunin ng mga job fair na matulungan ang mga Pilipino na makahanap ng ligtas at legal na trabaho sa abroad sa pamamagitan ng mga lisensyadong ahensya.










