Maaaring umapela ang Department of Migrant Workers (DMW) sa naging desisyon ng Office of the Ombudsman na ibasura ang mga reklamong plunder, malversation, at graft laban kay dating Overseas Workers Welfare Administration (OWWA) Administrator Arnaldo “Arnell” Ignacio kaugnay ng umano’y maanomalyang pagbili ng P1.4-bilyong lupa.

Ayon sa Office of the Ombudsman, may sampung araw ang DMW upang maghain ng motion for reconsideration matapos matanggap ang resolusyon. Ang mga reklamo ay inihain ni Department of Migrant Workers Secretary Hans Leo Cacdac laban kay Ignacio, dalawa nitong dating deputy administrator, at anim pang indibidwal kaugnay ng pagbili noong Setyembre 2024 ng isang 1.5-ektaryang lote malapit sa Ninoy Aquino International Airport Terminal 1.

Plano sanang tayuan ng halfway house para sa mga umuwing overseas Filipino worker ang naturang lupain, ngunit sinabi ng DMW na hindi ito angkop sa proyekto dahil sa lapit nito sa runway ng paliparan. Iginiit din ni Secretary Cacdac na hindi kinonsulta ang OWWA Board of Directors at wala itong naging awtorisasyon sa contract to sell, deed of sale, at supplemental agreement para sa bentahan. Aniya, nilagdaan din ang mga voucher at tseke bago pa maisakatuparan ang deed of sale.

Bagama’t ibinasura ang mabibigat na reklamo, kinasuhan naman ng Office of the Ombudsman si Ignacio ng mas magaan na kasong usurpation of official functions. Itinanggi naman ng dating OWWA administrator ang anumang maling ginawa.