
Maghahain ng motion for reconsideration ang Department of Migrant Workers (DMW) sa Office of the Ombudsman matapos ibasura ang reklamong graft at plunder laban kay dating Overseas Workers Welfare Administration (OWWA) Administrator Arnell Ignacio at iba pa kaugnay ng P1.4 bilyong land deal.
Ayon kay DMW Secretary Hans Leo Cacdac, nais nilang muling suriin ng Ombudsman ang kaso dahil hindi umano nito nabigyang-pansin ang mahahalagang detalye at ebidensiyang isinumite ng departamento. Bagama’t napanagot si Ignacio sa kasong usurpation of official functions, ibinasura naman ng Ombudsman ang mga reklamong graft, malversation of public funds, at plunder.
Iginiit ni Cacdac na minadali umano ang transaksiyon nang hindi dumaan sa OWWA Board of Trustees at pinaboran ang nagbenta ng lupa. Aniya, hindi rin natalakay sa resolusyon ang 51 condominium units na nagkakahalaga ng P97 milyon na kasama sa bentahan ngunit wala umanong natagpuan nang inspeksiyunin ang lugar. Samantala, nanindigan si Ignacio na legal ang transaksiyon at naiprisinta ito sa OWWA Board bago siya alisin sa puwesto noong Mayo 2025 dahil sa pagkawala ng tiwala at kumpiyansa.










