Mahigpit na binabantayan ng Philippine government ang recruitment ng China sa mga Pilipino, lalo na sa mga kawani ng Sandatahang Lakas at iba pang ahensya upang makakuha ng mga sensitibong impormasyon.

Sa briefing ng House Committee on Appropriations para sa proposed budget ng Department of National Defense, iginiit ni Secretary Gilbert Teodoro na hindi maaaring gamitin sa personal na bagay ang IT equipment lalo na ng AFP at DND employees.

Subject aniya sa security vetting ang kanilang mga kawani.

Naungkat ang usapin sa pagtatanong ni Akbayan Party-list Representative Dadah Kiram Ismula kung saan ipinunto nito kung paano nalusutan ang gobyerno.

Ipinaliwanag ni Ismula na batay sa ilang ulat sa pagitan ng 2024 at 2025, may mga dating researcher ng Philippine Navy, tauhan ng DND at taong malapit sa Philippine Coast Guard o PCG ang nahuling nagsusulat ng analysis at nagpapasa ng e-mails sa handlers na may kaugnayan umano sa Chinese Communist Party kapalit ng pera.

-- ADVERTISEMENT --

Punto ni Teodoro, online ang recruitment at pagpasa ng e-mails at inuudyok ang mga personnel na mag-sideline.

Aminado ang kalihim na may mga pumatol dahil sa pabuya at hindi naman mahigpit ang operational security protocols noon hanggang sa nagkaroon ng mas detalyadong impormasyon na hinihingi.

Gayunman, wala umanong nakuhang anumang sensitibong impormasyon lalo’t may mga sangkot na tauhan ang nagsuplong at sari-sari na ang pagtatangka na makompromiso ang national security.