
Iginiit ng Department of National Defense o DND na walang obligasyon ang ahensya na sagutin ang mga tanong ng alinmang dayuhang pamahalaan o embahada, kabilang ang China Embassy.
Ayon kay DND spokesperson Arsenio Andolong, ang Chinese Embassy mismo ang dapat managot sa mga isyung may kaugnayan sa umano’y pagkunsinti nito sa mga ilegal na aktibidad sa teritoryo ng Pilipinas.
Ito ay matapos kwestiyunin ng Chinese Embassy ang naging papel ni Defense Secretary Gilberto Teodoro Jr. sa operasyon noong Mayo sa Sanjia Steel Corporation, kung saan inaresto ng mga awtoridad, katuwang ang Armed Forces of the Philippines, ang ilang Chinese workers.
Inilarawan ni Andolong bilang lantaran at hindi katanggap-tanggap na panghihimasok sa internal affairs ng Pilipinas ang pahayag ng Chinese Embassy.
Giit pa ng DND, magpapatuloy ang pamahalaan sa pagpapatupad ng batas at pagsugpo sa mga paglabag, anuman ang pagtutol o pagsang-ayon ng China Embassy o anumang panig.










