
Pinabilis ng Department of Energy (DOE) ang pagpasok sa grid ng halos 1,471 megawatts (MW) na bagong kapasidad mula sa 22 renewable energy at energy storage projects na nakatakdang magsimula bago sumapit ang Abril 2026.
Ayon sa DOE, kabilang sa 22 proyekto ang 12 solar projects na may kabuuang 1,284 MW, anim na hydroelectric plants na may 48.23 MW, dalawang biomass facilities na may 38 MW, isang wind project na may 13.56 MW, at isang Integrated Renewable Energy Storage System (IRESS) na may 20 MW.
Ang mga ito ay bahagi ng 200 power plants na ipinapa-rapido ng DOE sa susunod na tatlong taon, alinsunod sa utos ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. matapos ang kanyang ika-apat na State of the Nation Address.
Sa kasalukuyan, 24 generation plants ang operational na may kabuuang kapasidad na 1,178.642 MW, kabilang ang tatlong solar plants na nagsimula ngayong Marso.
Mayroon ding pitong Battery Energy Storage System facilities na may pinagsamang 190 MW.
Nagpahayag ang DOE na nakikipag-ugnayan sila sa National Grid Corporation of the Philippines, Energy Regulatory Commission, at Independent Electricity Market Operator of the Philippines upang matiyak ang tamang oras ng pagtatapos ng mga proyekto, kabilang ang mga isyu sa transmission, interconnection, inspeksyon, rehistrasyon, at metering, upang maiwasan ang abala sa komersyal na operasyon.










