
Inalerto ng Department of Health (DOH) ang lahat ng ospital na nasa ilalim ng kanilang supervision para higpitan ang kanilang seguridad at subaybayan ang kanilang mga personnel ngayong holiday season kasunod ng dalawang magkahiwalay na kaso ng pagdukot ng dalawang bagong panganak na sanggol ng dalawang babae.
Gayunpaman, ligtas ang mga sanggol habang nahuli naman ang mga suspek.
Ang unang kaso ay nangyari sa isang ospital sa Marikina City noong Dec. 26 habang ang pangalawang kaso ay nangyari sa Tondo, Manila noong Dec. 29.
Sinabi ni Health Secretary Teodoro Herbosa, sa unang kaso, pumasok ang babae na nakasuot ng hospital scrubs at face mask sa Amang Rodriguez Memorial Medical Center (ARMMC) sa Marikina.
Ayon naman kay Marikina police chief Col. Jenny Tecson, sinabi ng suspek sa ina na kailangan niyang dalhin ang sanggol para sa newborn testing.
Ibinigay naman ng ina ang bata, kasama ang ilan sa kanyang medical records sa suspek, na tumakas.
Sinabi ni Tecson na nagawa nilang masundan ang suspek sa Pasig City, sa pamamagitan ng footage sa mga CCTV cameras.
Ligtas na nabawi nang sanggol noong Dec. 29.
Sa nasabi ring araw, isang babae ang tinangkang kunin ang isang sanggol sa Tondo Medical Center (TMC) in Manila.
Subalit nahuli ang suspek ng nurse bago siya makalabas ng ospital.
Nahaharap ang dalawang babaeng suspek sa kasong kidnapping at attempted kidnapping, batay sa pagkakasunod.










